Friday, May 30, 2008

Kuryente at Langis

NAGDARAHOP ANG MAMAMAYAN,
NAGPAPASASA SI GLORIA AT IILAN!

Sukdulan na ang kahirapan at pagdarahop na dinaranas ng mamamayan sa gitna ng pagpapasasa ng papet, pasista at pahirap sa masang rehimeng US Arroyo at mga kasapakat nitong iilang malalaking lokal at dayuhang kapitalista sa ating bayan.
Umabot na sa 83% ng kabuuang 80 milyong Pilipino ang nakakaranas ng matinding kahirapan. Hindi na kayang ipagyabang ni Gloria ang paglago ng ekonomya matapos sumambulat ang krisis sa mataas na presyo ng bigas at ang hindi mapigilang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.
Sa gitna ng kahirapang ito ay mas pinahigpit pa ang kartel sa langis ng iilang dayuhan at dambuhalang kumpanyang CALTEX, SHELL at PETRON. Gayundin, habang kontrolado naman ng iilang negosyanteng malapit sa pamilyang Arroyo ang negosyo sa bigas, kasama sa ipinapapasan sa mamamayan ang napakataas na singil sa kuryente at dagdag na pabigat na 12% Value Added Tax. Pinalala ito ng mga kontra-mamamayan, makadayuhan at maka-kumprador-PML na mga patakarang pribatisasyon, deregulasyon at liberalisasyon ng ekonomya. Masasalamin ito sa pamamagitan ng Oil Deregulation Law, Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

KRISIS SA BIGAS AT PAGKAIN, SUKDULANG PAHIRAP SA MAMAMAYAN!
Malalim ang pinag-uugatan ng krisis sa pagkaing dinaranas sa kasalukuyan. Ang kakulangan ng murang bigas at pagsirit ng presyo ng komersyal na bigas ay salaminan ng sukdulang kahirapan. Paano aarukin na ang isang bansang agrikultural ay magkakaroon ng kasalatan sa pagkain? Walang ibang salarin sa krisis na ito kundi ang kurap at bulok na gubyernong patuloy na nagsasadlak sa bayan sa krisis. Sa pagpasok ng Pilipinas sa General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) at World Trade Organization (WTO), itinulak nito ang pagbagsak ng agrikultura dahil sa pagpasok ng dagsang mga agrikutural na produkto galing sa ibang bansa. Nagbunga ito ng pagkalugi ng sarili nating mga magbubukid at pagkalugi rin sa dating kumikitang kalakalang agrikultural.
Isinusulong din ni Gloria ang pagpapalawig pa sa pekeng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), na tulad ng iba pang huwad na repormang agraryo ay di lumutas, bagkus ay nagpalala pa sa kawalan ng lupa ng mga magbubukid. Hanggang ngayon ay pito sa sampung magsasaka ang walang sariling lupa at sa mga rehiyon tulad ng Timog Katagalugan at Gitnang Luzon ay walo sa sampung magsasaka ang walang lupa.
Kuleksyon ng rehimeng Arroyo sa 12% VAT (2006- June 2007)
Panahon ng kuleksyon Kabuuang kuleksyon ng VAT Kuleksyon ng VAT sa mga produktong petrolyo
Ene-Dis 2006 76.9 Bilyon 49.2 Bilyon
Ene-Hun 2007 43.7 Bilyon 18.6 Bilyon
Kabuuan 120.6 Bilyon 67.8 Bilyon
Datos mula sa Department of Finance
Sa ilalim ng CARP at dikta ng WTO, naging malawakan ang pagpapalit gamit ng lupang agrikultural lalo na ng palayan na ginawing industriyal, residensyal o pang-eko-tourism. Sa Timog Katagalugan na may kabuuang sukat na 4,368,062 ektaryang kabuuang sukat at 1,302, 375.37 ektarya sa kalakahan ay agricultural na lupaing ito ay papalitan ang gamit. Sa ngayon ay 172,967.30 ektarya na sa mga ito ang napalitan na ng gamit. Malawak din ang inabot ng crop conversion o pagpapalit-tanim mula palay tungong mga pananim na pang eksport tulad ng pinya, mangga at saging.
Sa pagpasok din ni Gloria sa mga di pantay na kasunduan tulad ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) at RP-China Agricultural Deals na siyang maglalaan sa minimum ng 1.2 milyong ektaryang lupain para tamnan ng jatropha, saging at pinya. Lalo pa nitong ilalagay sa alanganin ang seguridad sa pagkain ng bansa dahil siguradong ibabawas ito sa kulang-kulang na 4 milyong ektaryang palayan.
Ngayon, hindi nakapagtatakang inaabot ng bansa ang kakulangan at krisis sa pagkain. Upang matabunan ito at hindi bumalandra sa rehimeng Arroyo, nag-angkat ang gubyerno mula sa ibang bansa ng bigas. Ngunit mga pansamantalang solusyon lamang ito. Hangga't hindi naipapatupad ang isang tunay na repormang agraryo kadugsong ng pambansang industrialisasyon, hindi maiibsan ang krisis at kakulangan sa pagkain ng malaking bilang ng mahihirap na mamamayan.

PAGTAAS NG PRESYO NG PRODUKTONG PETROLYO, KURYENTE AT TUBIG, DAGDAG PAHIRAP SA MAMAMAYAN
Palaging kasabay at kagyat na kasunod ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin at iba pang serbisyong gumagamit nito. Sa loob ng pitong taon sa kapangyarihan ni Arroyo, tumaas ng mahigit sa tatlong doble ang presyo ng gasolina ng mula P15 noong taong 2000 hanggang P50 piso bawat litro. Habang ang LPG ay umabot naman sa P80 ang itinaas sa nakaraang taon. Sa presyo ngayong halos P600 at nagbabanta pang umabot ng P700, umabot din sa P439 ang itinaas sa LPG mula nang ipatupad ang Oil Deregulation Law nuong 1996 habang P80 sa taong 2007 lamang. Ito ay lalong nagsadlak sa kawalan at nagpahirap sa mga pamilyang Pilipino sa araw-araw – ang mataas na bayarin sa kuryente at tubig, ang napakataas na presyo ng mga bilihin at pagkain nang hindi naman tumataas ang sahod ng mga manggagawa at malawak ang kawalang hanapbuhay.
Limang buwan matapos iluklok sa poder si Arroyo nuong 2001, kagyat nitong isinabatas ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA). Mula noon hanggang 2006, 22% ang itinaas sa presyo ng kuryente bawat kilowatthour. Ipinapasan ng gubyerno sa mamamayan ang P500 bilyong pagkakautang ng NAPOCOR na resulta ng maanomalyang kontrata sa mga Independent Power Producers (IPP’s). Maging ang kuryenteng kinukunsumo sa operasyon ng kumpanyang Meralco at iba pang kumpanya sa kuryente ay ipinapapasan sa mamamayan. Ang ”nawawalang” kuryente na resulta ng kanilang kapabayaan, ay umaabot sa mahigit na 10.5% ng kabuuan nating binabayarang singil sa kuryente . Dagdag pa dito ang 12% na Value Added Tax na ipinapatong para naman sa kapakinabangan ng kurap na rehimeng US-Arroyo.

KILOWATTS MAY VAT WALANG VAT
0-50 221.02 202.06
51-70 403.86 367.21
71-100 711.54 644.75
101-200 1,810.56 1,635.48
201-300 2,815.58 2,542.25
301-400 3,881.12 3,503.08
401-500 5,130.65 4,628.20
501-600 6,155.60 5,552.78

Ganundin, sa pagsasapribado ng serbisyo sa tubig, umabot na sa 24% ang itinaas sa presyo bawat kubiko ng tubig sa mga sinserbisyuhan ng Maynilad, habang patuloy namang lumalaki ang kita at kapital ng mga dambuhalang negosyong ito. Nagbabanta rin sa rehiyong Timog Katagalugan ang pagsasapribado ng mga Water Districts na nag-ooperate bilang mga Government Owned and Control Corporations (GOCC’s). Nakaambang itayo sa Lungsod ng San Pablo ang pribadong bulk water supply na s’yang magbibigay ng tubig sa San Pablo Water District at magbibigay sa pribadong kumpanya ng kapangyarihan sa pagpepresyo nito. Sa Calamba Water District naman ay nakaabang ang pamilyang Ayala para sa pribatisasyon, habang sa darating na Hulyo ay nagbabantang muling magtaas ng singil sa tubig.

12% VALUE ADDED TAX (VAT), IBAYO PANG PAHIRAP SA MAMAMAYAN
Kabalintunaan ang pangakong mas maraming serbisyong panlipunan at kaginhawahan ang tatamasahin ng mamamayan sa pagsasabatas ng Reformed Value Added Tax (RVAT) na nagtulak ng 12% pagtaas ng VAT bilang direktang buwis sa mga produktong pangkonsumo at iba pa mula sa dating 10%. Sa halip na ilaan ni Arroyo ang may P 120.6 bilyong pisong nakukulektang buwis mula sa VAT nuong taong 2006- 2007, ibinayad n’ya ito sa mga utang na hindi naman pinakinabangan ng mamamayan.
Ang totoo, habang tumataas ang presyo ng kuryente at produktong petrolyo, lalo namang lumalaki ang koleksyon sa buwis sa pamamagitan ng VAT. Patunay dito ang mismong sinabi ni Finance Secretary Margarito Teves sa isang panayam sa Philippine Daily Inquirer nuong Mayo 20 na nakatulong sa gubyerno ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang bilihin upang matabunan ang deficit sa budget sa unang kwarto ng taon ngunit lalo namang nagbaon sa mamamayan sa kumunoy ng kahirapan. Sinustine ng pagtaas ng presyo ng langis at mataas na presyo ng kuryente ang bangkaroteng rehimen sa pamamagitan ng VAT. Walang ibang nakikinabang, kundi ang mga dambuhalang kumpanya at kartel sa langis, ang Shell, Caltex, Petron, mga Independent Power Progucers (IPP’s) na pag-aari ng mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista, Meralco at ang rehimeng US-Arroyo. Sila din ang nakikinabang sa patuloy na pagsasapribado ng pampublikong utilidad, kasabwat ang rehimeng US- Arroyo.
Habang pinapahirapan ang mamamayan ng napakataas na bayarin sa kuryente at iba pang bilihin na resulta ng mataas na presyo ng produktong petrolyo ay nagpapasasa naman ang rehimeng US-Arroyo sa kabang yaman ng bayan. Sariwa pa sa ala-ala ng mamamayan ang maanomalyang kontratang $ 329 milyon na NBN-ZTE broadband deal, ganundin ang $ 936 milyong Southrail Project, P 728 milyon fertilizer scam, P 1.5 bilyon peace bond ng CODE-NGO, Jose Pidal Account, overpriced na Diosdado Macapagal Avenue, automation ng Comelec sa pamamagitan ng Mega Pacific at marami pang iba.
Kung pakikinabangan lamang ng mamamayan ang bilyun-bilyung pondong ninanakaw ng mga tiwaling rehimen at mga kroni’t kaanak ng bawat paksyong naluklok sa kapangyarihan, magagawa nitong signipikanteng itulak ang pagbuti sa kabuhayan ng mamamayan; likhain ang milyon-milyong trabaho sa kanayunan at kalunsuran; pasiglahin ang komersyo’t lokal na industria; bigyan ng serbisyong medikal at panlipunan ang nakararami sa mamamayang nagdarahop; at isakatuparan ang isang unibersal na libreng edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo.
Wala na tayong ipagtitiis. Kailangan ng mamamayan ang mga kagyat na mga pagbabago at pangmatagalang reporma tungo sa tunay na kaginhawahan ng mamamayan.
Ilabas natin ang nag-aalimpuyong galit ng sambayanan laban sa peke, pasista at pahirap na gobyernong Arroyo. Ipakita na ang tulad niya ay wala nang puwang sa Malakanyang.

IBASURA ANG OIL DEREGULATION LAW, ELECTRIC POWER INDUSTRY REFORM ACT, 12% EXPANDED VALUE ADDED TAX at EXTENSION NG COMPREHENSIVE AGRARIAN REFORM PROGRAM!

LABANAN ANG PRIBATISASYON, GLOBALISASYON AT DAYUHANG PANGHIHIMASOK SA EKONOMYA! ISABANSA ANG INDUTRIYA NG PRODUKTONG PETROLYO!

PAHIRAP SA MASA, PATALSIKIN SI GLORIA!



BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN KASAMATK BAYAN MUNA PARTYLIST Southern Tagalog
BAYAN-Southern Tagalog

No comments: