Friday, May 30, 2008

Monopolyo sa Bigas at Sakahan

LABANAN ANG MONOPOLYONG KONTROL SA BIGAS!
IBASURA ANG MGA KONTRA MAMAMAYAN AT MAKADAYUHANG PATAKARAN NG REHIMENG ARROYO!

Sukdulang kabulukan ng rehimeng US-Arroyo at sistemang pang-ekonomyang pinaghaharian ng iilang mga Panginoong Maylupa (PML), Malaking Burgesya Kumprador (MBK) at Imperyalismong US ang dahilan ng pagsambulat ng krisis sa bigas.

Higit na nalantad ang kabulukan ng mga patakarang ipinapatupad ng rehimeng US-Arroyo at ng imperyalistang US sa pagkubabaw ng globalisasyon sa ekonomya- liberalisasyon sa agrikultura, pribatisasyon ng mga ahensyang pang-agrikultura- tulad ng NFA, kawalan at pagtatanggal ng subsidyo sa agrikultura at patuloy na pag-iral ng kartel sa bigas. Walang ibang nakikinabang sa mga patakarang ito kundi ang dayuhang kapital at mga kakutsaba nitong lokal na malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa na kinakatawan ng rehimeng US-Arroyo.

Ang malawak na kontrol sa mga lupaing agrikultural ng mga panginoong maylupa ang tunay na dahilan ng krisis sa bigas at pagkain. Ito rin ang dahilan ng mabilis at malawakang kumbersyon ng lupaing akrigrikultural tungong eko-turismo, industriyal at komersyal at malalawak na golf courses, sa halip na gawing malawak na taniman ng palay at iba pang pagkain ng mamamayan.
Panginoong Maylupa Lawak/
ektarya Lugar
Danding Cojuangco 30,000 Negros, Isabela, Cagayan, Davao del Sur, Cotabato,Palawan

Nestle Farm 10,000
Hacienda Roxas 8,500 Batangas
Hacienda Yulo 7,100 Laguna
Hacienda Luisita 6,000 Tarlac
Escudero Family 4,000 Southern Tagalog
Hacienda Reyes 2,257 Quezon, Souther Tagalog
Sangalang Family 1,600 Southern Tagalog
Uy Family 1,500 Southern Tagalog
Hacienda Looc 8,650 Batangas
Ilang PML at korporasyong may kontrol sa malawak na lupain sa Southern Tagalog, ibpa.

Sa rehiyong Timog Katagalugan, kontrolado ng 835 malalaking panginoong maylupa ang 496,496 lupaing agrikultural habang kulang at walang lupang mabungkal ang mga magsasaka na nakatali sa mataas na upa sa lupa bilang mga kasama o tenante. Nakadagdag pa ang mga grandiosong proyektong CALABARZON, MARILAQUE, MIMAROROPA at MEGA SUPER REGION ng gubyerno sa malawakang kumbersyon at pagpapalit gamit/tanim na umaabot na sa karagdagang 172,967.30 ektaryang lupaing agrikultural.

Naging kasangkapan at pinabilis ng huwad na Comprehinsive Agrarian Reform Program (CARP) ang mabilisang rekonsentrasyon at pagpapalit gamit ng lupaing agrikultural. Kinansela ang 20,000 ektaryang nasaklaw ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) at Emancipation Patent (EP) at pinalayas ang mga magsasaka at pinalitan ito ng gamit. Kaya malinaw na malinaw kung paanong ang CARP ay ginamit para mas maging sistematiko ang landgrabbing o ang pagkakait ng lupang binubungkal sa mga nagbubungkal.

Kung tutuusin, ang krisis sa bigas ay sadyang ating dadanasin sa ilalim ng ekonomyang pinaghaharian ng dayuhan at iilang malalaking burgesya kumprador. Ang pagiging atrasado ng moda ng produksyong agrikultural, ang kawalan ng Tunay na Reporma sa Lupa at patuloy na pagpapalit ng pananim mula sa lokal na pangangailangan tungo sa pangangailangan ng mga imperyalistang bayan, bilang tagapagsuplay ng hilaw na materyales at produktong agricultural ang mga dahilan ng krisis na ito.

Dahil tumitindi ang pagsandig sa importasyon mula sa pandaigdigang pamilihan, na ngayon ay peligroso ang kalagayan ng suplay, lalong namang nagiging mas mapagsamantala ang lokal na kartel sa bigas. Kontrolado ng mga kroni ni Arroyo ang suplay ng bigas, kaya kinakaya nilang itakda ang presyo nito. Malinaw na ang pagtaas ng presyo ng bigas ay bunga ng manipulasyon sa presyo at hindi nakabatay sa tunay na halaga nito ayon sa gastos sa produksyon.

Mawawasak lamang ang kartel at matitiyak ang seguridad sa pagkain at makatarungang presyo ng bigas kung maipapatupad ang Tunay na Reporma sa Lupa, ang libreng pamamahagi ng lupang agrikultural at pagbibigay ng nararapat ng tulong para sa pagpapaunlad ng lupa para sa pangangailangan ng bansa. Tanging ang GARB sa pamamagitan ng HB 3059 ang makapagbibigay ng ganitong pag-asa sa masang magsasaka at sambayanan. Sa pamamagitan ng GARB, wawasakin nito ang monopolyo sa lupa. Kasabay nito, dapat ng ibasura ang mga makadayuhang kasunduan at patakaran ng rehimen at pagbabasura mismo sa panukalang ekstensyon ng maka-panginoong maylupang CARP at pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) o HB 3059.

LABANAN ANG DAYUHANG KONTROL SA BIGAS AT PAGKAIN!

SAGOT SA KRISIS SA BIGAS, TUNAY NA REPORMA SA LUPA!

ISULONG ANG GENUINE AGRARIAN REFORM BILL (GARB) o HB 3059!

IPATUPAD ANG TUNAY NA REPORMA SA LUPA AT PAMBANSANG INDUSTRIYALISASYON!


KATIPUNAN NG SAMAHANG MAGBUBUKID SA TIMOGKATAGALUGAN
(KASAMA-TK)

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN
(BAYAN-SOUTHERN TAGALOG)

No comments: